Pinatutsadahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte si ACT Teachers party-list Rep. France Castro, isa sa mga hayagang kritiko ng confidential funds ng anak niyang si Vice President Sara Duterte.
Sa panayam sa SMNI noong Martes ng gabi, Oktubre 10, inihayag ng dating pangulo na gagamitin ng bise presidente ang confidential at intelligence funds (CIFs) ng kaniyang tanggapan para maging “compulsory” umano ang military training sa mga high school at college student.
MAKI-BALITA: Former Pres. Duterte, dinipensahan si VP Sara tungkol sa confidential funds
Sinabi rin ni Duterte na pinayuhan niya ang bise presidente na maging prangka sa Kongreso, partikular na umano kay Castro, na gagamitin niya ang CIFs upang ihinto umano ang communist insurgency sa bansa.
Hindi naman daw nakinig sa kaniyang suhestiyon si VP Sara dahil baka ma-harass umano ang Philippine Military Training (PMT) institutions.
“Sabi ko kay Inday (Sara Duterte), diretsuhin mo na. Itong intelligence fund na ito is to prepare the minds of the Filipinos, itong insurgency na hindi matapos-tapos and the ROTC para preparado tayo kung magkagiyera. [Sa] ganitong sitwasyon ngayon, ‘pag wala tayong sundalo, meron tayong mga bata who will take care of their respective barangay to help government,” ani Duterte.
“Pero ang una mong target sa intelligence fund mo, ‘kayo, ikaw, France (Castro), kayong mga komunista ang gusto kong patayin.’ Sabihin mo na sa kaniya. Pero hindi naman niya sinabi, sabi niya, ‘Alam mo kasi, Pa, ‘pag sinabi ko, baka i-harrass na ‘yung mga PMT’,” saad pa niya.
Matatandaang binatikos kamakailan ni Castro si VP Sara dahil sa paggastos umano ng Office of the Vice President (OVP) ng ₱125 milyong confidential funds nitong noong 2022 sa loob ng 11 araw.
Nagpatutsada rin kamakailan ang mambabatas sa naging pagdipensa ni VP Sara sa confidential funds ng kaniyang tanggapan.
Kamakailan lamang naman ay inalis ng Kamara ang confidential funds ng limang mga ahensya ng gobyerno para sa 2024 para ilipat umano sa mga ahensyang dumidipensa sa isyu ng West Philippine Sea (WPS) at nakatutok sa “peace and order” ng bansa.
Kabilang ang OVP at DepEd sa mga tinanggalan ng confidential funds para sa 2024.
https://balita.net.ph/2023/10/10/confidential-funds-ng-5-govt-agencies-inalis-ng-kamara-quimbo/