Inamin ng motivational speaker na si Rendon Labador sa kaniyang panayam kay Ogie Diaz noong Biyernes, Setyembre 29, na lumaki umano siya sa kalinga ng isang ex-convict.
Tinanong kasi si Rendon ni Ogie kung ano ba ang narating nito sa buhay para pakinggan siya ng mga tao.
“Ako po kasi, marami akong pinagdaanan. Anak po ako ng general. PMAer. So, matinding disiplina ‘yung in-instill sa amin ng mga magulang ko,” kuwento ni Rendon.
Sabi pa niya, lumaki umano siyang walang magulang. May giyera daw kasi noong gumraduate ang kaniyang ama. Kaya pinakupkop muna siya sa kanilang mga kamag-anak.
“Tapos, by that time na kinuha na nila ako, nag-alaga naman sa akin, ex-convict. ‘Yun ‘yong yaya ko. Parang yaya ko.”
Paliwanag ni Rendon, may mga preso umano noon na nasa presinto pa rin kahit tapos na ang sentensiya dahil walang mababalikang pamilya o mahal sa buhay. Pinatutuloy sila doon. Bilang kapalit, nagsisilbi sila sa mga pulis bilang mga taga-timpla ng kape o taga-linis.
“So, eventually kasi, may papalit na presyo na lalaya. So, mawawalan siya ng space. So, ngayon si Erpat naman nakita na totoo namang nagbago na ‘tong tao na ‘to, kinuha niya para alagaan ako.”
Kaya naman, ayon sa kaniya, halos nakita niya lahat kung paano mag-isip ang tao.
“So ngayon, gusto kong i-share ‘yung mindset, ‘yung tapang, ‘yung perspective. Baka kasi makatulong,” sabi pa ni Rendon.
“Hindi naman ‘yung pagiging utak kriminal?” paniniyak ni Ogie.
“Hindi naman, hindi naman…Alam mo ba, ‘yung mga taong ganoon, they have my respect. ‘Yung mga nagbago na. Wala namang ipinanganak na masama, e. Hindi naman porke’t nakagawa ‘yan ng kung anong kaso e masama na ‘yan habang-buhay. Naniniwala ako sa tao na kaya nating magbago.”
At speaking of pagbabago, matatandaang sa vlog ding ito humingi ng sorry si Rendon kina Vice Ganda, Michael V., at sa iba pang personalidad na nabanatan niya.
MAKI-BALITA: Rendon Labador nag-sorry kina Michael V, Vice Ganda, atbp