Pinuri ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) ang isang empleyado nila dahil sa ipinakita nitong katapatan.

Nabatid na si San Mateo Post Office Municipal paid Letter Carrier (LC) Ruben Gregorio ay nagsauli ng pitaka na naglalaman ng P8,000 at mga importanteng IDs na kanyang napulot habang naghahatid ng sulat sa kanyang nasasakupan noong Setyembre 26, 2023.

Human-Interest

Magna cum laude graduate na pinagsuot ng toga ang ama, kinaantigan

Ang pitaka ay pagma-may-ari ni G. Romeo I. Nabo, guro ng Dulong Bayan Elementary School sa San Mateo Rizal.

Ayon sa PHLPost, simula pa noong 2017, si LC Gregorio ay naghahatid na ng mga sulat, parsela at PhilIDs sa Brgy. Pintong Bukawe, Timberland at Maarat at sa mga liblib at bulubunduking lugar sa San Mateo, Rizal.

Sinabi ni Juliet Dawila Otadoy - Acting Postmaster (PM) ng San Mateo Post Office, "agad na ibinalik ni LC Ruben ang wallet na naglalaman ng salapi at mga mahahalagang bagay sa Post Office. Agad din nilang kinontak ang may-ari na si Mr. Nabo upang personal na magsadya sa Post Office".

“Ipinagmamalaki namin ang aming kasamahan sa PHLPost sa kanyang kahusayan at katapatan sa serbisyo”, ani PM Otadoy.

Si LC Ruben ay ama ng apat na anak at asawa ng simpleng maybahay na si Cristy Gregorio.

“Napatunayan na mula noon hanggang ngayon ang kultura ng katapatan at simpleng pamumuhay ay nananatili sa post office at liblib na mga sangay sa buong bansa”, ayon naman kay Postmaster General (PMG) Luis Carlos.

Sa Post Office, masayang ipinost sa social media ng kanyang mga kapwa kasamahan sa trabaho ang mga katagang “your excellent performance and loyalty deserves a merit of appreciation…! We are so proud of you, Keep up the good work always, God bless you”.

“Nawa ang simpleng tagumpay ng katapatan ng isang tulad ni LC Gregorio ay maging halimbawa rin sa iba,” ani PMG Carlos.