Patay na nang matagpuan nitong Biyernes, Setyembre 1, ang 14-anyos na batang lalaki sa bubong ng isang warehouse sa Barangay 104, Tondo, Manila.

Ayon sa Manila Police District-Raxabago Station (MPD-PS-1), residente umano ng Barangay 108 sa Tondo ang batang lalaki na hindi tinukoy ang pangalan at iba pang pagkakakilanlan.

Sa pahayag naman ng Bureau of Fire Protection-Emergency Medical Services (BFP-EMS), pabalik na sana sila sa kanilang opisina mula sa nirespondehang sunog nang may mga tambay raw na sumalubong sa kanila para ipaalam ang tungkol sa katawan ng isang bata.

Sa inisyal na ulat, ang aircon na nasa bubong ng warehouse ang itinuturo umanong dahilan sa pagkakakuryente ng bata.

Metro

Marikina LGU: Ulat na dinukot ang 4 na menor de edad sa lungsod, fake news!

Agad na ibinaba ng mga rumesponde ang labi ng batang lalaking katabi ang nasabing aircon na nasa bubong ng warehouse. Binendahan nila ang sugatang ulo nito at saka dinala sa Sol’s Funeral sa Tondo.

May nakuhang pliers ang mga awtoridad mula sa pinangyarihan ng insidente. Sa ngayon, patuloy silang kumikilos para sa mas masusing imbestigasyon.