Isa sa mga ipinagmalaki ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa kaniyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ay ang tungkol sa pagbaba ng presyo ng bilihin sa iba’t ibang mga sektor sa tulong ng Kadiwa stores.

“Sa mga nakalipas na buwan nakita natin ang pagbaba ng presyo ng bilihin sa iba’t ibang mga sektor. Napatunayan natin na kayang ipababa ang mga presyo ng bigas, karne, isda, gulay, at asukal. Malaking tulong ang Kadiwa store na ating muling binuhay at inilunsad, ” ani Marcos nitong Lunes, Hulyo 24. 

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ang layunin umano ng Kadiwa stores ay pag-ugnayin ang mga magsasaka at mga mamimili. 

“Ang layunin ng Kadiwa ay pag-ugnayin ang mga magsasaka at mga mamimili. Walang iba pang namamagitan. Wala nang dagdag na gastos at pamatong. Maganda ang kita ng magsasaka at nakakatipid din ang mamimili,” dagdag pa ng pangulo.

Sa datos na binanggit ng pangulo, umabot na sa 7,000 ang Kadiwa stores na inilunsad sa buong Pilipinas kung saan nakinabang dito ang 1.8 milyon na pamilya.

Umabot din daw sa halos 700 milyon ang benta ng Kadiwa na nakapagbigay umano ng hanapbuhay sa 3,000 miyembro ng kooperatiba.

Dahil sa magandang resulta ng Kadiwa, plano ng pangulo na palawigin pa ito.

“Maganda ang nakita nating resulta kaya’t papalawigin pa natin ang Kadiwa sa buong bansa. Kamakailan lamang ay nagsanib-puwersa na ang mga ahensya ng pamahalaan upang lalo pang pagtibayin ang Kadiwa,” saad ni Marcos.

“Katuwang natin dito ang buong sektor ng Agrikultura at ang lokal na pamahalaan. Our aim is to boost our local agricultural production through consolidation, modernization, mechanization, and improvement of value change augmented by timely and calibrated importation as needed,” pagtatapos ng pangulo. 

Kamakailan, pumirma ng memorandum of agreement ang Department of Agriculture (DA), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Social Welfare and Development (DSWD), the Department of the Interior and Local Government (DILG), Presidential Management Staff (PMS), at Philippine Communications Office (PCO) para sa pagkakaroon ng Kadiwa ng Pangulo sa buong bansa.