Isang motorcycle rider ang patay nang ma-hit-and-run ng isang van at isang kotse sa Sampaloc, Manila nitong Linggo ng madaling araw.

Dead on the spot ang biktimang si Mark Jeff Valeros, 35, ng Joyride rider, at residente ng San Miguel Village, sa Pasong Tamo sa Quezon City dahil sa matinding pinsala sa ulo at katawan.

Samantala, pinaghahanap na ng mga otoridad ang mga 'di pa kilalang driver ng van at kotse na sangkot umano sa insidente.

Batay sa ulat ni PCpl Genesis Flagne, ng Vehicle Traffic Investigation Section (VTIS) ng Manila Police District (MPD), nabatid na dakong alas-4:20 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa eastbound ng España Boulevard, malapit sa kanto ng Josefina St., sa Sampaloc.

Metro

Mayor Lacuna: Payout sa 203K seniors, malapit nang matapos

Kasalukuyan umanong sakay ang biktima ng kaniyang Honda Beat motorcycle at binabagtas ang eastbound ng España Boulevard, nang pagsapit sa malapit sa kanto ng Josefina St., ay bigla na lang itong nasagi ng isang puting van mula sa likuran.

Dahil sa impact nang pagkabangga ay nahulog ang biktima mula sa motorsiklo at bumagsak sa sementadong kalsada, ngunit minalas na masagasaan at makaladkad pa ng kasunod na itim na kotseng sedan.

Bunsod nito, nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan ang biktima na nagresulta sa kanyang agarang kamatayan.

Kapwa naman umano mabilis na tumakas ang mga tsuper ng mga sasakyang nakasagi at nakasagasa sa biktima.