Napanatili ng bagyong Dodong ang lakas nito habang nasa West Philippine Sea sa kanlurang bahagi ng Ilocos Region, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Sabado ng umaga, Hulyo 15.
Sa tala ng PAGASA nitong 5:00 ng umaga, huling namataan ang sentro ng Tropical Depression Dodong 270 kilometro ang layo sa kanlurang bahagi ng Sinait, Ilocos Sur, na may maximum sustained winds na 55 kilometer per hour malapit sa sentro at pagbugsong 70 kilometer per hour.
Kumikilos ito pa-kanluran sa bilis na 20 kilometer per hour.
Wala naman nang nakataas na Tropical Cyclone Wind Signal sa alinmang lugar sa bansa, ayon sa PAGASA.
Gayunpaman, maaaring makaranas pa rin umano ngayong araw ng mga pagbugso sa malaking bahagi ng Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Batanes, silangang bahagi ng Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Zambales, Bataan, Bulacan, Pampanga, Aurora, Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, at Western Visayas dahil sa Southwest monsoon o habagat.
Inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility ang bagyong Dodong mamayang tanghali o bukas ng umaga, Hulyo 16.