May nilinaw si King of Talk Boy Abunda hinggil sa usap-usapang pagpasok ng anak nina Kris Aquino at James Yap na si Bimby sa showbiz matapos kumalat sa social media ang post ng talent management firm na Cornerstone Entertainment kamakailan kung saan makikitang kasama nila sa isang larawan si Bimby.
Sa programang “Fast Talk with Boy Abunda” na umere noong Miyerkules, Hulyo 5, nilinaw ni Tito Boy na hindi pa pumipirma ng kontrata si Bimby upang ganap na mag-artista.
Ayon kay Tito Boy, isa pa lamang “exploratory meeting” ang naganap sa pagpupulong kamakailan na siyang ibinahagi ng Cornerstone sa kanilang Instagram post.
“We had a dinner. I hosted a dinner for Bimb,” saad ni Tito Boy.
“Totoo po ‘yan na doon sa pag-uusap namin ay we were trying to explore kung ano ang mga pwedeng mangyari–the possibilities. Pwede bang mag-artista si Bimb? Ano ba ang gagawin? But it was more of an exploratory meeting,” pagpapaliwanag niya.
Sinabi rin ng King of Talk na totoong siya ang tumayong guardian ni Bimby sa naturang pagpupulong, at mayroon umano itong permiso ni Kris.
“Mayroon po ‘yang permiso ng kaniyang ina, ang ating kaibigang si Kris Aquino,” ani Tito Boy.
“Kasulukuyan po, ang Cornerstone team ay nasa U.S. and we are hoping na magkausap si Kris at saka ang Cornerstone. Pati na rin po si Bimb ay nakabalik na po sa America,” saad pa niya.
MAKI-BALITA: Anak ni Kris Aquino na sina Bimby at Kuya Josh, muli na niyang nakasama
Sinabi rin naman ni Tito Boy na ibabahagi niya kung magkakaroon ng developments sa naturang usapin hinggil sa posibleng pag-aartista ni Bimby.