Isinapubliko ng OCTA Research Group nitong Linggo ng gabi na bumaba pa sa 4.9 porsyento ang coronavirus disease 2019 (Covid-19) positivity rate sa National Capital Region (NCR) hanggang nitong Hulyo 1.
Sa datos na ibinahagi ni OCTA Fellow Dr. Guido David sa kanyang Twitter account, bumaba pa ang positivity rate ng Metro Manila mula sa dating 6.0 porsyento nitong Hunyo 24, 2023 at mula sa limang porsyento na naitala naman nitong Hunyo 30.
Pasok na rin ito sa 5% threshold na itinatakda ng World Health Organization (WHO) para sa positivity rate ng sakit.
Bukod sa NCR, pasok na rin sa naturang threshold ang Laguna, na mula sa dating 7.6% positivity rate noong Hunyo 24 ay nasa 5.0% na lamang nitong Hulyo 1, at ang Rizal, na mula sa dating 7.3% nitong Hunyo 24 ay nasa 4.7% na lamang nitong Hulyo 1.