Binawi rin ng ikalimang suspek, na nakakulong sa National Bureau of Investigation (NBI), ang kaniya umanong testimonya na nagdawit sa kaniyang sarili at kay Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo “Arnie” A. Teves Jr. sa pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at siyam na iba pa noong Marso 4.

Ang nasabing suspek ay kinilalang si Joven Javier na naghain din ng petisyon sa Manila regional trial court (RTC) para sa kaniyang paglaya mula sa detensyon sa pamamagitan ng writ of habeas corpus.

Nauna nang binawi ng mga suspek na sina Jhudiel R. Rivero, Dahniel P. Lora, Romel A. Pattaguan at Rogelio C. Antipolo Jr. ang kanilang mga testimonya na nagdawit sa kanilang sarili at kay Teves sa mga pagpatay.

Kinakatawan ang limang suspek ng abogadong si Danny Villanueva.

“Javier recanted his first statement prepared on March 5, 2023 in Negros Oriental before police officers conducting the investigation that he had participated in the gruesome crime of killing 10 people and wounding several others,” ani Villanueva.

“We can expect more recantations because, again, as early as April 18 we were able to talk to eight people now in the NBI and they told us they were just coerced to having admitted to being part of the Pamplona massacre,” dagdag niya.

“[The] said admission was taken in violation of their rights and against their will.”

Sinabi rin ni Villanueva na binawi rin ng tatlong iba pang mga suspek ang kanilang mga testimonya ngunit ang kanila umanong “recantations” ay nasa kani-kanilang mga abogado.

Sa kaniyang affidavit of recantation, sinabi ni Javier na siya ay inaresto ng Philippine Army noong hapon ng Marso 4 sa Bayawan City, Negros Oriental nang walang anumang dahilan ngunit inakusahan na sangkot sa Pamplona massacre.

“Dahil sa wala akong masabi na pangalan o maituro na kinaroroonan ng mga baril, ako ay binugbog, sinusuntok, tinatadyakan, inapakan ang aking mukha habang ako ay nakadapa sa lupa at nakapusas sa likuran ko ang aking dalawang kamay. Walang nag-assist sa akin na abogado. Hindi rin nila ako binasahan ng Miranda rights,” ani Javier.

Aniya, nakapiring siyang inilipat sa Nopo Police Station sa Damaguete City kung saan sumailalim siya sa police questioning nang walang abogado at isinailalim sa paraffin test. Mayroon din umanong law enforcer na “nagtusok ng kaniyang rifle sa aking kanang hita.”

“Noong Marso 5, 2023, doon pa lang ako binasahan ng Miranda rights habang kinukunan ako ng salaysay at pilit na kinukuha ang aking confession, at pilit nilang pinapaturo sa akin si Marvin Miranda at si Cong. Teves. Dahil sa mga pagbabanta sa aking buhay at sa buhay ng aking pamilya, napilitan akong lagdaan ang confession. May PAO lawyer nandoon sa imbestigasyon subalit nandoon lang siya para sa compliance sa batas. Hindi niya sinabi na may karapatan ako na dapat may ibang magtestigo sa confession tulad ng mayor, pari, ministro at iba pa,” saad ni Javier.

Sa kaniyang petisyon na humihiling ng kaniyang paglaya mula sa detensyon, sinabi ni Javier sa trial court na siya ay “unlawfully detained and deprived of his liberty by the order and at the behest of the respondents.”

Ang pinangalanang respondent sa petisyon ay sina Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin C. Remulla at NBI Director Medardo G. de Lemos.

“[I]n spite of the fact that petitioner has been confined for more than two months, to his personal knowledge, no formal complaint or accusation for any specific offense has been filed against him nor any judicial writ or order for his confinement has at any time been issued so far,” saad din ni Javier sa korte.

Kaya, aniya, labag sa batas ang kaniyang pagkakulong.

Jeffrey Damicog