Matapos ang mahigit 30-oras, naideklara na ring fireout nitong Martes ng umaga, ang sunog na tumupok sa Manila Central Post Office ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) habang umakyat pa sa 18 ang bilang ng mga indibidwal na nasugatan dahil sa insidente.

Batay sa update na inilabas ng Bureau of Fire Protection (BFP), nabatid na dakong alas-6:33 ng umaga nang tuluyang ideklarang fireout ang sunog.

Nasa 18 indibidwal naman, na karamihan ay mga bumbero ang nasugatan sa sunog.Sila ay nagtamo ng laserasyon, pilay at first-degree burns, habang mayroon ring nahilo at nanikip ang dibdib habang sinisikap na apulain ang apoy.

Kabilang sa mga nasugatan sina FO2 Joel Libutan (Sta.Mesa FS), 36; FO1 Carlo Abrenica (Arocerros FS), 24; SFO2 Julio Erlanda (Sta.Ana FS), 43; FO1 Jeremy Roque, 30; FO1 Josaphat Martin (Caloocan FS, E54 RB), 26; FO1 Mark Louie Guiogiuo (Malacanang FS), 31;SFO1 Angelo Panado (Bacood FS), 42;Insp. Luke Warren Challongen (Paco FS); SFO2 Rey Christopher Fernandez (Sampaloc FS); FO1 Russel Ponlaroche (Arocerros FS), 28; FO1 Royce Caro (Paco FS), 25;FO3 Aguilando, Daryl, 34; SFO4 Reynaldo Pajemolin, 48; SFO2 Rosito Arboleda II, 37; SFO2 Alfredo Isagre Jr., 45; SGO1 Blanqueza Gener, 40;Toto Roslin (Sy Squad), 43;at sibilyan na si Elaine Dacuycoy, 16.

National

Ex-Pres. Duterte, ikakampanya si Quiboloy: 'Marami siyang alam sa buhay!'

Ang sunog ay unang sumiklab sa basement ng gusali dakong alas-11:41 ng gabi ng Linggo.

Umabot ito sa pinakamataas na alarma o general alarm bago tuluyang naideklarang under control dakong alas-7:22 ng umaga nitong Lunes at tuluyan namang naapula ng mga pamatay-sunog nitong Martes ng umaga lamang.

Anang BFP, nasa dalawang istruktura sa loob ng gusali ang nasunog at tinatayang aabot sa P300 milyon ang halaga ng pinsalang idinulot nito.

Ayon naman kay PHLPost Postmaster General Luis Carlos, ang mismong gusali na itinuturing na national historical landmark, ang mga stamps sa museum, at ang kanilang mga record ang itinuturing na pinakamahalagang bagay na winasak ng sunog.

Inaalam pa ng mga otoridad ang pinagmulan ng apoy.