Isiniwalat ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) nitong Huwebes, Abril 27, na maaaring pumalo sa humigit-kumulang ₱7 bilyon ang magiging pinsala sa kapaligiran ng oil spill mula sa lumubog na MT Princess Empress sa Oriental Mindoro.

Sa isang panayam sa Biodiversity Management Bureau (BMB) ng DENR, ibinahagi nitong ang kabuuang lawak ng lugar ng tatlong ecosystem, o mga lugar ng bakawan, seagrass bed, at coral reef, na nasa loob ng mga pinagdaanan ng oil spill ay tinatayang may economic value na ₱7 bilyon.

“The actual value of the habitats affected by the spill will rely on ground validation, thorough habitat impact assessments and further economic valuation exercises. This will be determined once the oil spill has been permanently contained and terminated,” anang BMB.

Samantala, sinabi ng DENR na hindi pa kasama sa ₱7 bilyon ang ₱3.8 bilyong pinsala sa mga palaisdaan na iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

National

Nancy Binay, nilinaw na 'di kaaway ang kapatid na si Abby: 'Pamilya pa rin kami!'

Sa naganap na Laging Handa briefing nitong Huwebes, ibinahagi ni Office of Civil Defense (OCD) Joint Information Center chief Diego Agustin Mariano na mahigit ₱3 bilyon na ang pinsala ng oil spill sa sektor ng agrikultura.

“Iyan po ay running hanggang sa may langis na tumatagas pa,” ani Mariano.

Pinayuhan kamakailan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang mga mangingisda na mananatili pa rin ang pagbabawal sa pangingisda sa mga apektadong lugar sa Oriental Mindoro.

Nauna na ring isiniwalat kamakailan ng BFAR na tinatayang ₱5 milyon ang nawawala sa sektor ng pangisdaan kada araw dahil sa oil spill.

BASAHIN: Sektor ng pangisdaan, nawawalan ng ₱5M kada araw dahil sa oil spill – BFAR

Matatandaang lumubog ang MT Princess Empress, na may kargang 800,000 litro ng industrial fuel oil, sa baybayin ng Naujan, Oriental Mindoro, noong Pebrero 28.