Isang lalaking nang-agaw ng cellular phone ng isang receptionist ang arestado ng mga pulis na nagsasagawa ng visibility operations sa Las Piñas City noong Biyernes, Abril 14.
Ani Col. Jaime Santos, hepe ng pulisya ng lungsod, kinilala ang suspek na si Arwen Cuadra, 23.
Sinabi ni Santos na sasakay na sana ang biktima sa isang public utility vehicle (PUV) nang biglang sumulpot ang suspek kasama ang dalawang katropa at inagaw ang kanyang iPhone 13 Promax model na nagkakahalaga ng P70,000.
Sumigaw ng tulong ang biktima na nakakuha ng atensyon ng mga pulis mula sa Pilar substation na nagpapatrolya sa lugar bilang bahagi ng visibility operation dahilan para mauwi sa habulan ang tagpo.
Naaresto si Cuadra dakong alas-3:40 ng hapon sa kahabaan ng Alabang-Zapote Road sa Barangay Almanza, Las Piñas City, habang nakaiwas sa pagkakaaresto ang kanyang dalawang kasamahan.
Narekober ng mga pulis mula sa suspek ang isang 11-pulgadang haba ng ice pick.
Nakakulong ang suspek sa Las Piñas police custodial facility, nahaharap sa kasong robbery at illegal possession of a bladed weapon.
Jean Fernando