Isang tricycle driver ang patay nang barilin ng isang motorcycle rider habang lulan ng kanyang motorsiklo sa Tondo, Manila nitong hatinggabi ng Linggo.

Kinilala ang biktima na si Rolly Marquez, 42, habang nakatakas naman ang salarin na 'di pa batid ang pagkakakilanlan.

Batay sa kuha ng CCTV ng Barangay 7, pasado alas-12:00 ng hatinggabi ay minamaneho ni Marquez ang kanyang tricycle nang tumigil sa Juan Luna St. dahil sa trapiko.

Makikita rin ang isang lalaki na sakay ng motorsiklo na kaagad ring huminto nang tumigil ang tricycle ng biktima.

72 PDL's ng Manila City Jail, naka-enrol sa PUP Open University

Mabilis na bumaba ng motorsiklo ang lalaki at bigla na lang binaril sa ulo ang walang kamalay-malay na biktima, na nahulog sa kanyang tricycle.

Mabilis na tumakas ang salarin sakay ng motorsiklo at lumiko sa susunod na kalye.

Malaunan ay narekober ng mga otoridad ang inabandonang motorsiklo nito, sa kanto ng Ylaya St. at Carmen Planas St. sa Tondo.

Masusi naman nang iniimbestigahan ng mga otoridad ang krimen upang matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin, gayundin ang motibo niya sa pagpatay.