“Edi wow”

Ito lamang ang naging sagot ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (Piston) sa pahayag ni Department of Education (DepEd) at Vice President Sara Duterte na nalason na umano ang mga lider at ibang miyembro nila ng ideolohiya ng Communist Party of the Philippines, National Democratic Front of the Philippines, at New People’s Army.

“Piston is an organization with leaders and some members poisoned by the ideologies of the bankrupt Communist Party of the Philippines, the National Democratic Front of the Philippines, and the New People’s Army,” saad ni Duterte sa kaniyang pahayag ng pagkondena sa transport strike nitong Lunes, Marso 6.

BASAHIN: VP Sara sa transport strike: ‘Kawawa ang mga estudyante, guro’

Ayon sa Piston, isinasagawa nila ang weeklong transport strike nitong Lunes, Marso 6, hanggang sa Linggo, Marso 12, upang ipanawagan na ibasura na ang nakaambang jeepney phaseout na mag-aalis sa kanilang ikinabubuhay.

Nakatakdang ipatupad ang nasabing jeepney phaseout sa darating na Disyembre 31 upang bigyang-daan ang PUV Modernization Program (PUVMP) ng gobyerno. Sa ilalim ng programa, kinakailangang bumili ang mga operator ng consolidated entities ng modernong sasakyan na nagkakahalaga ng P2.4-milyon hanggang P2.8-milyon kada unit.

BASAHIN: Piston sa pagsasagawa ng transport strike: ‘Hindi sapat ang puro extension’