Kasabay ng pagsisimula ng weeklong transport strike nitong Lunes, Marso 6, ipinasa ng House of Representatives sa ikatlo at huling pagbasa ang Resolution of Both Houses No. 6 na nagsusulong ng costitutional convention (Con-Con) para amyendahan ang 1987 Saligang Batas ng Pilipinas, o ang Charter change (Cha-cha).
Umabot sa 301 mambabatas ang bumotong pabor sa Con-Con.
Ayon kay House Speaker and Leyte 1st district Rep. Martin Romualdez, isa sa mga co-authors at siyang namuno ng plenary session nitong Lunes ng tanghali, nilalayon umano ng Kamara na limitahan ang Charter rewriting initiative nito sa restrictive economic provisions ng basic law sa pag-asang ang nasabing mga pagbabago ay magbibigay-daan para makaakit ng mas maraming foreign investments.
“We need additional investments that would create more job and income opportunities for our people. We need increased capital to sustain our economic growth momentum,” ani Romualdez.
Samantala, pito naman ang tumutol sa Con-Con, habang isa ang nag-abstain.
Kasama sa mga tumutol sa Con-Con ay sina Davao City 1st district Rep. Paolo Duterte, Albay 1st district Rep. Edcel Lagman, Basilan lone district Rep. Mujiv Hataman, Camarines Sur 3rd district Rep. Gabriel Bordado, ACT Teachers Party-list Rep. France Castro, Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas, at Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel.
“Layunin nito na bigyang-daan ang 100% FOREIGN OWNERSHIP ng lupa, public utilities at iba pang susing sektor ng ekonomiya, bahagi dito ang mga PUV at Jeepney! Pinapasakamay nito sa dayuhang kumpanya ang kabuhayan ng mamamayan,” saad ni Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel.
“I-phase out ang Cha-Cha, hindi ang jeepney,” dagdag niya.