Inanunsyo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Miyerkules na mahigit sa ₱26.7 milyon ang halaga ng medical assistance na kanilang naipamahagi sa may 4,000 indigent patients.
Sa abiso ng PCSO, nabatid na kabuuang₱26,744,008.52 ang ipinagkaloob sa may 4,001 pasyente mula Pebrero 20 hanggang 23, 2023 lamang, sa ilalim ng kanilang Medical Assistance Program (MAP).
Kabilang anila sa nabiyayaan ng naturang tulong medikal ay ang 527 pasyente mula sa National Capital Region (NCR) na nabigyan ng P6,536,690.
Sa Northern at Central Luzon, umaabot sa 944 pasyente ang nabiyayaan ng₱6,605,371.42 na halaga ng tulong habang sa Southern Tagalog at Bicol Region naman, 1,159 pasyente ang nakinabang sa₱5,941,412.25 halaga ng medical assistance.
Sa Visayas, 792 pasyente ang nabigyan ng₱4,668,883.17 na halaga ng assistance sa pagpapagamot habang sa Mindanao ay 579 pasyente ang naging benepisyaryo ng₱2,991,651.68 na tulong medikal.
Kaugnay nito, muli namang hinimok ni PCSO General Manager Melquiades Robles ang publiko na patuloy na tangkilikin ang mga PCSO games dahil malaking bahagi nito ang napupunta sa kawanggawa.