Inihain ni Cotabato 3rd district Rep. Ma. Alana Samantha Taliño-Santos ang House Bill No.6728 na naglalayong pagkalooban ang mga babaeng empleyado ng dalawang araw na menstruation leaves kada buwan.
Ang House Bill (HB) No.6728 ay may titulong “An Act granting menstruation leave of two (2) days a month with fifty (50) percent daily remuneration to all female employees in the private and public sectors”.
Binigyang-diin ni Santos na matagal nang ipinagkaloob ang nasabing menstruation leaves sa mga bansang tulad ng Japan, South Korea, Taiwan, Indonesia, at Zambia.
Sa ilalim ng panukalang batas, hindi dapat masibak, ma-demote, o diskriminahin sa trabaho ang mga empleyado dahil sa naturang menstruation leaves.
Dagdag nito, ang mga sinumang employer na lalabag dito ay magmumulta ng ₱50,000 o makukulong ng hanggang anim na buwan.
Ayon pa kay Santos, kahit na hindi pinapayagan sa ilang mga kompanya sa bansa ang menstruation leaves, magiging bahagi ito ng sick leaves ng mga empleyado.
Kasalukuyang pending ang naturang panukalang batas sa Committee on Labor and Employment.