Dalawang Pinoy ang naiulat na biktimang nasawi ng mapaminsalang 7.8 magnitude na lindol sa Turkey. Isa si Pangulong Bongbong Marcos sa mga nagpaabot ng pakikiramay ngayong Biyernes.
“It is with deep regret that we learn of the passing of two Filipinos in the recent 7.8-magnitude earthquake that devastated Türkiye,” mababasa sa isang Twitter post ng Pangulo, Biyernes.
Nauna nang nagpaabot rin ng pakikiramay sa mga naulilan mahal sa buhay ang embahada ng Pilipinas sa naturang bansa.
“The Embassy and Consulate General express their deepest condolences and are in coordination with the victims’ families in both the Philippines and in Turkiye,” anito.
Pagtitiyak ni Marcos, nagpapatuloy ang walang-humpay na pagtatrabaho ng kaniyang mga opisyal sa Turkey para maberika ang mga impormasyon ng mga kababayang apektado ng kalamidad.
Ayon sa naunang ulat, mahigit sampung pamilyang Pilipino na ang nailikas nila mula sa Antakya papuntang Ankara, ang kabisera ng Turkey kung saan sila binigyan ng ligtas na matutuluyan.
Ang distrito ng Antakya ay isa sa epicenter ng magnitude 7.8 na lindol na yumanig nitong Lunes sa dakong 4:17 ng madaling araw.