Iniulat ng Department of Health (DOH) na bumaba ng 36% ang naitala nilang daily average cases ng Covid-19 nitong nakalipas na linggo.
Sa national Covid-19 case bulletin na inilabas ng DOH, nabatid na mula Enero 23 hanggang 29, 2023, nasa 1,206 na bagong kaso ang naitala sa bansa.
Nangangahulugan ito na ang average na bilang ng bagong kaso kada araw ngayong linggo ay nasa 172, mas mababa ng 36% kung ikukumpara sa mga kaso noong Enero 16 hanggang 22.
"Sa mga bagong kaso, isa sa mga ito ang may malubha at kritikal na karamdaman. Samantala, mayroon namang naitalang 74 na pumanaw kung saan 6 ay naganap noong Enero 16 hanggang 29," anang DOH.
"Noong ika-29 ng Enero 2023, mayroong 456 na malubha at kritikal na pasyente na naka-admit sa ating mga ospital dahil sa Covid-19," anito.
Nabatid na sa 2,359 ICU beds para sa mga pasyenteng may Covid-19, 330(14.0%) ang okupado habang 3,606 (19.5%) ng 18,467 non-ICU Covid-19 beds naman ang kasalukuyan ding ginagamit.
Iniulat rin nito, higit sa 73 milyong indibidwal o 94.54% ng target na populasyon ang bakunado na laban sa Covid-19 habang 21 milyong indibidwal naman ang nakatanggap na ng kanilang booster shots.
Sa kabilang banda, 6.9 milyong senior citizens o 79.47% ng target A2 population ang nakatanggap na ng kanilang primary series.
Patuloy namang pinaalalahanan ng DOH ang lahat na huwag maging kampante sa banta ng Covid-19.
"Bagkus, dapat natin ipagpatuloy ang tamang pagsunod sa minimum public health standards sa ilalim ng Alert Level 1. Paalala ng Kagawaran ng Kalusugan na laging magsuot ng best-fitted face mask at kung maaari, manatili sa well-ventilated na mga lugar. Sa oras na makaramdam ng sintomas, AGAD NA MAG-ISOLATE. Para sa karagdagang proteksyon laban sa banta ng Covid-19, agad-agaran na tayong magpabakuna at booster," anito.