Kinumpirma ng Social Weather Stations Report (SWS) nitong Lunes, Enero 30, na ang 49% ng mga Pilipino ay naniniwalang bubuti ang estado ng kanilang pamumuhay sa darating na 12 buwan.

Lumabas ang nasabing resulta sa isinagawang survey ng SWS mula Disyembre 10 hanggang 14, 2022, sa pamamagitan ng personal na pakikipanayam sa 1,200 indibidwal sa bansa na nasa hustong gulang.

Ayon din sa survey, lumabas na nasa 37% ang nagsabi na walang magbabago sa estado ng kanilang pamumuhay, 5% naman ang nagsabing mas hihirap pa ang buhay nila, habang 8% ang hindi nagbigay ng kasagutan dito.

Tinawag bilang “optimists” ang mga naniniwalang bubuti ang kanilang pamumuhay habang “pessimists” naman ang mga sumasalungat dito.

National

3M pamilya sa bansa, nakaranas ng gutom noong huling 3 buwan ng 2022

“The resulting Net Personal Optimism score is +44 (percentage of optimists minus percentage of pessimists, correctly rounded), classified by SWS as excellent (+40 and up),” anang SWS.

Ang nasabing resulta ng Net Personal Optimism ay apat na puntos na mas mataas sa naitala noong Oktubre 2022 na excellent +40. 

Ang nasabing resulta rin noong Disyembre 2022 ang naging pinakamataas simula noong pre-pandemic noong Disyembre 2019 kung saan nagkaroon din dito ng score na +44.

Ayon pa sa SWS, ang nasabing Net Personal Optimism score na +44 sa nasabing survey ay bunsod ng pagtaas ng puntos sa Mindanao (mula +34 na naging +48), at steady scores sa Metro Manila (mula +50 na naging +49), Balance Luzon o mga probinsya sa Luzon na nasa labas ng Metro Manila (mula +42 na naging +43), at Visayas (mula +36 na naging +37).