Pinag-aaralan na umano ng Department of Health (DOH) ang pagpapataas ng sahod at pagpapalakas ng benepisyo ng mga healthcare worker sa publiko man o pribadong sektor upang mahikayat silang huwag umalis ng Pilipinas at magtrabaho sa ibang bansa.

Ayon kay DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire sa isang media forum nitong Martes, maraming healthcare workers ang pinipiling magtrabaho sa ibang bansa dahil sa mas mataas ang sahod doon kumpara sa Pilipinas.

Tinatayang ₱12,000 ang naiulat na kinikita ng healthcare workers sa mga pribadong ospital kada buwan habang nasa Salary Grade 15 o mahigit ₱35,000 kada buwan naman ang sinasahod ng mga nagtatrabaho sa ahensya ng gobyerno. Mas maliit pa rito ang kinikita ng mga nasa probinsya.

“So, we’re proposing to standardize the salaries between private and public healthcare workers so there will be no distinction and it becomes competitive across different cadres of our healthcare workers,” ani Vergeire.

National

Bagong kurikulum ng DepEd, ipatutupad sa S.Y. 2025-2026

Bukod sa sahod at benepisyo, plano rin ng DOH na magbigay ng mas marami pang scholarships para sa mga estudyanteng nagnanais magtrabaho sa larangan ng kalusugan at medisina.

Ayon sa DOH nasa 80,907 estudyante ang nakapag-enroll sa kanilang e-learning modules at 653 naman sa kanilang pre-service at in-service scholars noong nakaraang taon.

Nakapaglunsad na rin ang nasabing departamento ng international scholarship programs para sa 50 public health professionals at pinangunahan ang pagpapalakas ng scholarship program katuwang ang Philippine-American Educational Foundation.

Mary Joy Salcedo