Umaabot sa 2,766 pasyente ang napagkalooban ng tulong medikal ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) mula Enero 3-6, 2023 lamang.
Ito, ayon kay PCSO Vice Chairperson at General Manager Melquiades Robles, ay sa ilalim ng kanilang Medical Access Program (MAP).
Sa abisong inilabas ng PCSO nitong Miyerkules, nabatid na kabuuang₱22,657,639.37 ang kabuuang halaga ng medical assistance ang naipagkaloob nila sa mga naturang pasyente sa nasabing mga petsa lamang.
Sa National Capital Region (NCR), nasa 329 pasyente ang nakinabang sa₱4,222,609 halaga ng medical assistance na naipagkaloob ng PCSO.
Sa Northern at Central Luzon naman, aabot sa 556 pasyente ang nabiyayaan ng kabuuang₱4,984,763 tulong medikal habang sa Southern Tagalog at Bicol Region, kabuuang P5,192,446.92 ang naipagkaloob sa may 722 pasyente.
Sa Visayas, aabot sa₱4,155,992.88 ang tulong medikal na naibigay sa 543 pasyente habang 616 pasyente namang pasyente mula sa Mindanao, ang nakinabang sa₱4,101,827.57 medical assistance.
Kaugnay nito, hinikayat muli ni Robles ang publiko na patuloy na tangkilikin ang kanilang mga PCSO games, dahil ang malaking bahagi aniya ng kinikita nila mula dito ay napupunta sa kanilang kawanggawa, pangunahin dito ang MAP.