Hindi na pinansin ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla ang mga alegasyon ni suspended Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag na nag-ugat sa kasong pagpatay kay veteran journalist Percival "Percy Lapid" Mabasa.
Sa panayam sa telebisyon, limitado ang naging tugon ni Remulla sa apela ni Bantag na mag-resign na sa kanyang puwesto kaugnay sa umano'y pakikialam sa imbestigasyon sa pamamaslang sa naturang mamamahayag.
Aniya, dapat harapin ni Bantag ang mga kasong inihain ng pulisya at National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa pagpaslang kay Lapid.
“Just face the charges like a man. No comment,” tugon ni Remulla sa naging pahayag ni Bantag na wala na itong kredibilidad upang pangasiwaan ang DOJ.
Nitong Biyernes, lumantad si Bantag at nagbigay ng pahayag laban kay Remulla at hinamon pa niya ito na bumaba na sa puwesto.
Nasa Geneva, Switzerland ngayon si Remulla upang dumalo sa Universal Periodic Review ng United Nations Human Rights Committee kaugnay sa sitwasyon ng karapatang pantao sa bansa.
Si Bantag ang ibinunyag umano ng umano'y "middleman" sa pagpaslang kay Lapid na si Cristito Villamor Palaña o Jun Villamor na nag-utos upang paslangan si Lapid, ayon kay self-confessed gunman Joel Escorial.
Kamakailan, isinapubliko ni Escorial na inutusan siya ni Villamor upang patayin si Lapid. Gayunman, namatay si Villamor apat na oras matapos iharap sa mga mamamahayag si Escorial.
Matatandaang pinaulanan ng bala ang sasakyan ni Lapid na nagresulta sa pagkasawi nito malapit sa BF Resort Village sa Las Piñas nitong Oktubre 3 ng gabi.