Pinadapa ng Bay Area Dragons ang Rain or Shine, 120-87, sa pagpapatuloy ng PBA Commissioner's Cup sa Ynares Center sa Antipolo City nitong Biyernes ng gabi.

Rumatsadanang husto ang nagbabalik na import ng Dragons na si Myles Powell matapos humakot ng 50 puntos at 10 rebounds.

Tumulong din kay Powell si 7'5" center Liu Chuanxing na kumubra ng 11 puntos, siyam na rebounds, habang sina Kobe Lam at Siong Jianhua ay nakaipon ng tig-siyam na puntos.

Sa huling laro ng Dragons nitong Nobyembre 4, itinumba sila ng Meralco Bolts, 92-89.

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

Naka-30 puntos kaagad si Powell sa first half kung saan abante ang kanyang koponan, 57-42, hanggang sa lumobo pa sa 33 ang bentahe ng Bay Area sa fourth quarter.

Hindi naman naging impresibo ang debut game ni Rain or Shine import Ryan Pearson dahil siyam lang naging puntos nito.

Nanguna sa Elasto Painters si Anton Asistio sa nakolektang 20 puntos habang si Rey Nambatac ay nakakuha lang ng 12 puntos.