Magiging independiyente na lamang si Pasig City Mayor Vico Sotto matapos na kumalas sa partido ng Aksyon Demokratiko.

Sinabi ni Sotto nitong Huwebes sa isang chance interview na hindi siya interesadong sumapi sa iba pang partidong politikal bunsod umano ng mahinang political party system sa bansa.

Aminado si Sotto na may mga partidong nag-aalok sa kaniya na sumapi sa kanilang partido ngunit tinanggihan na umano niya ang mga ito.

Paliwanag ni Sotto, siya ay advocate ng mas malakas na political parties at political party systems sa bansa kaya’t hindi siya sasali sa isang partidong politikal na para lamang sa kanyang sariling political gain.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Hindi ako interesado,” aniya pa.

Matatandaang nitong Miyerkules ay pumutok ang balitang nagbitiw na si Sotto bilang bise presidente ng Aksyon Demokratiko, epektibo noon pang Hunyo 30.

Kinumpirma naman ni Sotto ang kanyang pagbibitiw at ipinaskil pa sa kanyang Twitter account ang kopya ng kanyang resignation letter.

BASAHIN:https://balita.net.ph/2022/11/02/vico-sotto-nagbitiw-na-bilang-miyembro-ng-aksyon-demokratiko/

Ayon kay Sotto, pagkakaiba-iba ng kanilang paniniwalang pampulitika ang dahilan ng kanyang pagkalas sa partido.

Iginiit pa ng alkalde na ang tanging dahilan nang pagsapi niya sa isang political party ay kung naniniwala siya sa mga prinsipyo nito.

Tahasan namang sinagot ni Sotto ng “wala,” ang tanong sa kanya ng mga mamamahayag kung mayroon bang political party sa ngayon na katulad ng kanyang prinsipyo at ideolohiya.

Idinagdag pa ni Sotto na umaasa siyang magpapasa ang Kongreso ng mga batas na magpapalakas sa political party system sa Pilipinas dahil kailangang-kailangan aniya ito ng bansa sa ngayon.

Itinanggi rin naman ni Sotto na may plano siyang magtayo ng sariling political party at binigyang-diin na siya ay independiyente.

Aniya, sa ngayon ay magpopokus muna siya sa Pasig at ipapaalam na lamang sa publiko kung magkakaroon ng iba pang pagbabago sa kanyang mga plano.