Ilan sa may 433 jackpot winners ng Grand Lotto 6/55 ang nagtungo na sa punong tanggapan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa Mandaluyong City nitong Lunes, Oktubre 3, upang kubrahin ang kanilang napanalunang premyo.

Mismong ang mga opisyal naman ng PCSO, sa pangunguna ni Vice Chairperson at General Manager Melquiades ‘Mel’ Robles, ang sumalubong sa mga lucky lotto winners upang ipagkaloob ang premyo ng mga ito.

Pinasalamatan rin ni Robles ang mga masuwerteng mananaya dahil sa pagtangkilik sa kanilang mga palaro at binati ang mga ito sa kanilang pagkapanalo.

May ilan rin sa kanila ang pumayag na magpakuha ng larawan at ipakita ang kanilang mga lucky tickets sa publiko.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

“Dumating na sa tanggapan ng PCSO Main Office sa Mandaluyong City ang ilan sa 433 Jackpot Winners sa naganap na Grand Lotto 6/55 draw noong Sabado, October 1, 2022 upang kobrahin ang kanilang napanalunan,” anang PCSO, sa isang paabiso.

Nabatid na isang lalaki, na nagbiyahe pa ng 10-oras, ang unang dumating sa PCSO office at kumubra ng premyo.

Ayon sa lotto winner, na hindi na pinangalanan para sa proteksiyon nito, maraming taon na siyang tumataya ng pattern 9, 8, 7 at 6 at ngayon ay nagbunga na ang kanyang matagal na pagtaya sa lotto.

“Nagpapasalamat po ako sa PCSO na marami kaming nabibiyayaan ng Jackpot Prize. Nagbiyahe po ako ng sampung oras upang makarating dito at makuha ang aking napanalunan. Tumataya po talaga ako ng pattern 9, pattern 8, pattern 7 at pattern 6 sa loob ng maraming taon at ako'y nagpapasalamat na ngayon ay napanalunan ko na,” anang lotto winner.

Matatandaang Sabado ng gabi nang tamaan ng may 433 lucky winners ang ₱236,091,188.40 jackpot prize ng Grand Lotto 6/55, matapos na mahulaan ang winning combination na 09-45-36-27-18-54.

Ayon kay Robles, aabot sa tig- ₱545,245.23 ang maiuuwing premyo ng mga lucky winners.

Mayroon din namang 331 mananaya na nagwagi ng second prize na tig-₱100,000 para sa nahulaang limang tamang numero.

Una na ring tiniyak ni Robles na walang iregularidad na naganap sa naturang lotto draw at ang pagkapanalo ng mga lotto winners ay bunga ng pagiging ‘loyal’ o pag-aalaga nila sa kanilang mga masuwerteng numero.

Muli rin namang hinikayat ni Robles ang publiko na tumaya na sa lotto upang magkaroon rin ng pagkakataong maging susunod na milyonaryo at makatulong pa sa mga kababayan nating nangangailangan.

Ang GrandLotto 6/55 ay binobola tuwing Lunes, Miyerkules at Sabado.