Target umano ng Department of Transportation (DOTr) na maging fully operational na ang Metro Rail Transit Line 7 (MRT-7) pagsapit ng taong 2024-2025.

Sa Laging Handa public briefing nitong Miyerkules, iniulat ni Transportation Undersecretary Timothy Batan na sa ngayon ay 60% nang tapos ang konstruksiyon ng proyekto.

Ayon kay Batan, nais rin ng DOTr na makapagsagawa ng demonstration run para sa MRT-7 sa susunod na taon.

“Nag-umpisa na ang delivery ng mga tren para sa MRT-7 nitong nakaraang taon at magpapatuloy ang delivery at construction na ‘yan nitong mga susunod na taon,” ayon pa kay Batan.

National

PBBM admin, nagsisilbing ‘totoong kalamidad’ sa ‘Pinas – Maza

“So nakikita natin at tina-target natin na magkaroon ng tinatawag nating demonstration run para sa ating MRT-7 nitong 2023, at full operations ang ating tinitingnan para sa 2024 to 2025,” aniya pa.

Ang MRT-7 na may 14 na istasyon at habang 22-kilometro, ang siyang magkokonekta sa North Avenue, Quezon City at San Jose del Monte sa Bulacan.

Sa sandaling makumpleto, inaasahang mapapaigsi nito ang oras ng biyahe mula sa North Avenue hanggang sa San Jose del Monte ng hanggang 35 minuto na lamang mula sa kasalukuyang isa hanggang tatlong oras.