Kinumpirma ng Department of Health (DOH) nitong Martes na natukoy na nila sa bansa ang dalawang unang kaso ng Omicron subvariant BA 2.75 na tinaguriang “Centaurus."

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na batay sa pinakahuling genome sequencing run na isinagawa nila, natukoy ang dalawang indibidwal na nagpositibo sa BA.2.75 sa Western Visayas.

Ayon kay Vergeire, kapwa naman magaling na sa sakit ang mga pasyente.

Isa sa mga ito ang partially vaccinated habang hindi naman bakunado ang isa pa.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Biniberipika pa naman aniya ng DOH ang exposure ng mga pasyente sa virus, travel histories, at health status ng mga ito.

Una nang sinabi ni Infectious disease expert Dr. Rontgene Solante na ang BA.2.75 ay maaaring mas nakakahawa kumpara sa iba pang subvariants ng Omicron at may kakayahang makalusot sa kasalukuyang COVID-19 vaccines.

Sinegundahan naman ito ni Vergeire, ngunit nilinaw na wala pang pag-aaral na nagpapakita na ang BA.2.75 ay nagdudulot ng malalang karamdaman.

“Apparently, based on studies and experience of other countries, this is more transmissible and this also has more immune evasion compared to the BA.5. Pero wala pa siyang ebidensya na ito ay nakaka-cause ng more severe infections," ani Vergeire.

Ang BA.2.75 ay unang natuklasan sa India noong Mayo at unti-unting kumalat sa iba pang bansa.

Ayon sa World Health Organization (WHO), ang BA.2.75 ay isang variant na under monitoring pa.