Ibinasura na rin ng Commission on Elections (Comelec) en banc ang apela sa petisyong humihiling na ideklara si Presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., bilang isang nuisance candidate o panggulong kandidato.

Sa resolusyong na-promulgate ng Comelec en banc nitong Miyerkules at inilabas nitong Huwebes lamang, nabatid na pinagtibay ang nauna nang desisyon ng Comelec 2nd Division na nagbabasura sa naturang petisyon ni Danilo Lihaylihay.

Batay sa naturang desisyon, na pirmado nina Comelec Chairman Saidamen Pangarungan, Commissioners Socorro Inting, Marlon Casquejo, Aimee Ferolino, Rey Bulay at Aimee Torrefranca-Neri, wala namang bagong argumentong iprinisinta ang petisyoner upang mabago ang naunang desisyon ng poll body.

Nabatid na sa naunang kautusan ng Comelec 2nd Division, ibinasura ang petisyon dahil hindi nito napatunayan na nais lamang ng respondent na gawing katatawanan ang eleksyon.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Wala ring patunay sa alegasyon ng petisyoner na nagdulot ng kalituhan ang paghahain ng kandidatura ng respondent.

Hindi rin umano napatunayan sa alegasyon na walang 'bonafide intention' si Marcos sa pagkandidato sa pinakamataas na posisyon sa bansa.

"WHEREFORE, in view of the foregoing, the Commission (en banc) DENIES Respondent's Motion for Reconsideration dated 22 December 2021 and AFFIRMS the Resolution of the Commission (Second Division) promulgated on 16 December 2021," bahagi pa ng resolusyon.

Sinabi naman ng Comelec na maaari pang iakyat ng petisyoner ang kaso sa Supreme Court upang doon dinggin at magbaba ng pinal na desisyon ukol sa usapin.