Sinabi ni OCTA fellow Dr. Guido David, nitong Sabado, Marso 12, na pinakamainam kung ang de-escalation ng Pilipinas sa ilalim ng Alert Level 0 status ay ipapatupad lamang pagkatapos ideklara ng World Health Organization (WHO) ang pagtatapos ng COVID-19 pandemic.

Giit ni David, ang Alert Level 0 ay ang luma o pre-pandemic normal.

“Technically, kapag sinabi ng WHO na tapos na ang pandemic ay maaari na tayong bumaba sa Alert Level 0. Kapag dineclare nila na tapos na ang pandemic, endemic na ‘yun so we can go back to the old normal. Pero until then, sana ay maging maingat pa rin tayo at may protocols pa rin tayong natitira,” ani David sa isang panayam sa DZBB.

Tantsa ni David, ang pagpapatupad ng status ng Alert Level 0 ay magdadala ng "mas kaunting benepisyo" sa bansa, idinagdag na ang panganib ng "ganap na pagrerelaks" sa mga health protocol ay maaaring magdulot ng hindi inaasahang pagtaas ng mga impeksyon.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sinabi rin niya na sa ilalim ng alert level na ito, magiging mahirap para sa pambansang pamahalaan na kumbinsihin ang publiko na magpabakuna.

“Kapag nasa Alert Level 0 na tayo wala nang magpapabakuna. Ngayon nga lang nahihirapan na tayo. Ang messaging kasi nito ay tapos na ang pandemic. Tapos na ba talaga? Baka may variant pang sumulpot at hindi natin masasabi ‘yan sa ngayon,” dagdag niya.

Samantala, para mabawasan ang pagkalat ng mga impeksyon sa Covid-19, hinimok ni David ang publiko na manatiling sumunod sa minimum public health standards gaya ng paggamit ng face mask sa kabila ng pagbaba ng bilang ng mga kaso sa bansa.

Charlie Mae. F. Abarca