Nanawagan si Vice Presidential bet at Senator Francis Pangilinan sa pamahalaan na itigil muna ang pagphase out sa mga 15-year-old na jeepneys dahil hindi pa nakakabawi ang mga tsuper at operators.
“Ipagpaliban muna ang pagpapalit ng lumang dyip. Hirap na hirap na ang ating mga tsuper at opereytor. Di pa nga nakakabawi dahil wala o kulang ang pasahero noong lockdown. Ngayon naman, sunod-sunod ang pagtaas ng presyo ng krudo,”ani Pangilinan.
“Kawawa naman ang ating mga tsuper. Gusto naman nilang magtrabaho. Huwag natin silang pigilang maghanapbuhay. Hayaan muna nating makabawi sa sunod-sunod na mga krisis ang ating mga transportation frontliners,” dagdag pa niya.
Nauna ng nanawagan din si presidential aspirant ay Vice President Leni Robredo sa PUV (public utility vehicle) na ipagpaliban muna ang pagtanggal sa mga lumang jeepney.
“Gusto po natin ang modernisasyon ng ating public transport. Ngunit ayaw naman po natin bigyan ng karagdagang burden ang ating mga pasahero at drivers…Ang pangunahing i-focus po natin ngayon ay maibsan ang kahirapan, ma-revive ang ekonomiya at makontrol ang pagkalat ng Covid. Ang mga polisiyang hindi angkop at consistent sa objectives na ito ay dapat isang tabi muna,” ani Robredo.
Samantala, nakatakda ang pagdinig ng LTFRBtungkol sa panukalang P3 hanggang P5 na pagtaas ng pamasahe bukas, Marso 8.Leonel Abasola