Sinabi ng human rights lawyer na si Jose Manuel ‘Chel’ Diokno na isusulong niya ang libreng legal aid sa bawat baryo para mabigyan ang mga ordinaryong mamamayan ng agarang akses sa legal na tulong nang walang bayad.
Sa “The Filipino Votes Senatorial Forum” ng CNN noong Linggo ng gabi, sinabi ni Diokno na ang kawalan ng akses sa mga serbisyong legal ng mga ordinaryong mamamayan ang pangunahing problemang suliranin sa sistema ng hustisya sa bansa.
Naalala ng beteranong abogado na noong nagtayo siya ng Free Legal Helpdesk sa kanyang Facebook page, nakatanggap siya ng halos 20,000 legal na katanungan mula sa mga ordinaryong tao sa loob lamang ng anim na buwan.
“Doon ko na-realize na wala silang access sa free o low-cost legal assistance. Kaya ang gusto ko sanang mangyari ay magkaroon tayo ng libreng serbisyong legal sa bawa’t baryo,” sabi ni Diokno.
Iminungkahi niya na kunin ang mga serbisyo ng mga law graduate at legal aid clinic mula sa iba't ibang law school upang mapalawak ang saklaw ng mahalagang serbisyong ito.
Nangako rin si Diokno na palakasin ang barangay justice system ng bansa sa pamamagitan ng pagpapalakas ng kakayahan ng Lupong Tagapamayapa sa pagharap sa mga legal na isyu sa mga residente.
Si Diokno, na tumatakbong senador sa ilalim ng tiket ni Vice President Leni Robredo, ang pinuno ng Free Legal Assistance Group (FLAG) na nagbibigay ng libreng legal aid sa mga biktima ng pang-aabuso at mahihirap na Pilipino.
Nagtatag siya ng isang libreng legal help desk sa panahon ng pandemya upang tumulong sa pagtugon sa mga legal na problema ng mga mahihirap na Pilipino na hindi kayang kumuha ng serbisyo ng isang abogado.
“Mata-tap din natin ang mga legal aid clinics ng iba’t ibang mga law schools para matulungan nila ang ating Lupong Tagapamayapa. At the same time, para makapag-consult nang libre ang mga taga-barangay,” aniya.
Ang pagpapalakas sa barangay justice system ng bansa ay makakatulong din na mapabilis ang listahan ng mga kaso para sa trial dahil ang mga kaso ay maaari nang malutas sa antas ng barangay, ipinunto ni Diokno.
“We really need to strengthen our barangay justice system upang hindi na umabot sa korte ang kaso,” dagdag niya.
Raymund Antonio