Tahasang ibinunyag ng Malacañang na alam umano ng bansang China na “tanging diplomasya” ang gusto ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Lunes, Pebrero 2, sinabi ni Palace Press Officer at PCO Undersecretary Atty. Claire Castro na tiyak na ito raw ay nararamdaman ng nasabing bansa.
“Alam naman po kasi ng bansang China na ang ating Pangulo at ang administrasyon na ito ay tanging diplomasya ang nais para maayos kung ano man po ang isyu,” saad ni Castro.
Aniya, “So, naramdaman po ‘yan ng China malamang—kaya po hindi naman po kinakailangan na magkaroon ng init or initan sa pagitan po ng dalawang bansa.”
Sa isyu ng umano’y initan at “word war” sa pagitan ng Tsina at mga mambabatas ng bansa, sinagot din ni Castro ang ikinakasa at panawagang deklarasyon kay Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan bilang persona non grata.
“May kaniya-kaniya po kasing opinyon. Ang Kongreso po ay may sarili silang mga activities na hindi naman po saklaw ng Pangulo. Puwede po nilang ituloy ‘yon, kung ‘yon po ang nakikita nila,” anang press officer.
“Pero sa Pangulo po, alam po natin na ang polisiya po ng Pangulo at ng [Department of Foreign Affairs] DFA ay maganda pong pag-uusap—diplomasya—para sa mga ganitong usapin [kaugnay] sa bansang China,” dagdag pa niya.
Sa parehong press briefing, nilinaw naman ni Castro na wala umanong kaugnayan ang pagkikita ni First Lady Liza Araneta-Marcos at Jing Quan sa usaping diplomasya.
“Unang-una po, kung dumalo man ang ating unang ginang sa mga public [...] events, hindi po ito nagre-reflect ng policy direction—at hindi po ito nali-link sa anumang diplomatic matters,” ani Castro.
MAKI-BALITA: Pagkikita nina FL Liza at Chinese ambassador Jing Quan, walang kaugnayan sa ‘diplomatic matters’—Palasyo-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA