Itinanggi ng Malacañang na may kaugnayan sa usapin ng diplomasya ang pagkikita nina First Lady Liza Araneta-Marcos at Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan kamakailan sa “Lang Lang: Live in Manila.”
MAKI-BALITA: ‘Pleasant talk!’ FL Liza, nakadaupang-palad si Chinese Ambassador Jing Quan-Balita
Sa ginanap na press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Lunes, Pebrero 2, idiniin din ni Palace Press Officer at PCO Undersecretary Atty. Claire Castro na hindi rin daw ito sumasalamin sa isang “policy direction.”
“Unang-una po, kung dumalo man ang ating unang ginang sa mga public [...] events, hindi po ito nagre-reflect ng policy direction—at hindi po ito nali-link sa anumang diplomatic matters,” saad ni Castro.
Giit pa ng press officer, hindi lingid sa kaalaman ng mga mambabatas na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang may “authority” na magdeklara sa isang indibidwal na siya ay “persona non grata.”
“Alam naman po ng mga mambabatas na ang Pangulo po ang siyang mayroong authority kung magpapa-declare man ng isang tao ng persona non grata,” anang press officer.
“So, alam po nila ‘yan, at wala pong masasabi na political impasse,” pagtatapos niya.
Matatandaang naging maugong ang panawagan ng mga mambabatas na ideklarang persona non grata si Jing Quan, bunsod ng tensyong namumuo sa dalawang bansa—partikular na sa isyu ng West Philippine Sea (WPS).
KAUGNAY NA BALITA: Pabiktima? Sen. Risa, binira pagiging 'balat-sibuyas' ng China sa WPS-Balita
Samantala, matatandaang tinutulan naman ni PBBM ang mga panawagang ito.
MAKI-BALITA: PBBM, tutol sa pagdedeklarang persona non grata ambassador ng China—Usec. Castro-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA