Tila inihalintulad ng Makabayan bloc si Pangulong Bongbong Marcos, Jr. sa ama nitong si dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr. kaugnay sa umano'y malaganap na korapsyon sa administrasyon nito.
Sa pagdinig ng House Committee on Justice nitong Lunes, Pebrero 2, ipinaliwanag ng Makabayan bloc, partikular ni ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio, ang inihain nilang impeachment complaint laban sa Pangulo.
Kaugnay ito sa umano'y daan-daang bilyong pondong sangkot sa flood control corruption scandal, ayon kay Tinio.
"Sa unang tatlong taon ng administrasyong Marcos Jr., daan-daang bilyong pondo ang sangkot sa flood control corruption scandal. Nangyari ito hindi dahil sa kaniya-kaniyang diskarte ng ilang tiwaling opisyal ng DPWH, mga ganid na kontraktor, at ilang korap na senador at kongresista, o mga nasa ibaba, paligid, at katabi ng Pangulo habang siya ay walang kamuang-muang. Namulat na lamang sa katotohanan nitong SONA 2025 na may korapsyon pala sa gobyerno niya," paliwanag ng Kongresista.
"Nangyari ito dahil pinahintulutan ni Pangulong Marcos Jr. na maging opisyal na patakaran ang pagpaparte ng DPWH budget sa mga opisyal ng Malacañang, Senado, at Kongreso na tinatawag na allocable para pagkakitaan ng kickback... ang pondong publiko, napunta sa sariling pakinabang," dagdag pa niya.
Kung kaya, aniya, betrayal of public trust ang ginawa ni Marcos Jr. at ito raw ang dahilan kung bakit dapat mapatalsik sa puwesto ang Pangulo.
"Betrayal of public trust, 'yan ang ginawa ni Pangulong Ferdinand 'Bongbong' Marcos, Jr. at ito ang dahilan kung bakit dapat siya ma-impeach," saad ni Tinio.
"Nakapaloob sa impeachment complaint na aming inendorso ang buong katotohanan na magtatahi at magbibigay-linaw kung bakit sa ilalim ni Pangulong Ferdinand 'Bongbong' Marcos, Jr. nangyari ang pinakamalaganap, sistematiko, at sentralisadong paglimas ng pondo sa kaban ng bayan sa kasaysayan ng republika mula nang mapatalsik ang diktador na si Ferdinand Marcos, Sr. noong 1986," dagdag pa niya.
Giit pa ni Tinio, "Following in the footsteps. Like father, like son."
Kaugnay na Balita: ‘Di nakakuha ng definite commitment!’ Makabayan Bloc, naipasa na 2nd impeachment complaint kay PBBMPBBM Impeachment