Sinimulan na ng Commission on Elections (Comelec) nitong Linggo ng umaga ang pag-iimprenta ng mga balota para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na gagamitin sa national and local elections sa Mayo 9.

Sa kanyang Twitter account, inianunsiyo ni Comelec spokesperson James Jimenez na nagsimula na ang pag-iimprenta ng official ballots para sa 2022 polls.

“Printing of official ballots for the 2022 National and Local Elections began at [approximately] 11:27AM today, 23 January 2022, at the National Printing Office,” anunsiyo pa niya.

Sinabi ni Jimenez na kabuuang 2,588,193 balota para sa BARMM ang kanilang iiimprenta.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ang una aniyang iiimprenta ay ang mga balota para sa Lanao del Sur, na aabot sa 685,643.

Samantala, sinabi rin ni Jimenez na ang pag-iimprenta ng 60,000 official local absentee voting (LAV) ballots ay nagsimula noong Enero 20.

Hanggang nitong Linggo aniya natapos na rin ang printing ng manual LAV at overseas absentee voting ballots.

Una nang sinabi ng Comelec na mahigit sa 67 milyong official ballots ang kanilang iimprenta para sa 2022 national and local elections.

Mary Ann Santiago