Nangako ang PROMDI party presidential aspirant na si Sen. Manny Pacquiao nitong Lunes, Enero 10 na itutulak niya ang P50,000 na minimum na suweldo para sa mga nars, medical technologist at iba pang healthcare professionals upang mapanatili silang naglilingkod sa bansa sa halip na pumunta sa ibang bansa para sa mas maayos na oportunidad..
Kumbinsido si Pacquiao na maaaring bumagal ang pandemya ng COVID-19 ngunit patuloy itong nagbabanta sa kalusugan ng publiko sa buong mundo, kaya naman, hinihiling ang mga serbisyo ng Filipino health professional sa ibang bansa.
Sinabi ni Pacquiao na ang pagbibigay ng competitive na suweldo at benepisyo sa mga health professional ang pinakamahusay na opsyon na mayroon ang bansa sa pagpapanatili sa kanila sa mga lokal na ospital.
Sa kabila ng banta sa kanilang sariling kaligtasan ng COVID-19, ang mga nars na nagtatrabaho sa parehong pribado at pampublikong ospital ay binabayaran ng mas mababa sa P20,000 bawat buwan.
Sinabi ni Pacquiao na ang health care professional tulad ng mga nurse, pharmacist at medical technologist ay dapat tumanggap ng minimum P50,000 monthly pay bukod pa sa iba pang perks tulad ng Special Risk Allowances na ipinagkaloob ng gobyerno.
Binanggit niya na bagama't ang halagang ito ay halos hindi sapat upang matumbasan ang kanilang mga sakripisyo, ito ay nasa loob na ng katanggap-tanggap na pamantayan ng kita na P42,000 kada buwan na idineklara ng National Economic Development Authority (NEDA).
“This P50,000 per month minimum wage is still very low if we compare it with the salaries offered by other countries but it might be enough to convince some of them not to leave their families behind,” sabi ng presidential aspirant.
Ben Rosario