Nanawagan si Manila Mayor at Aksyon Demokratiko presidential candidate Isko Moreno sa publiko na huwag basta-basta nagpapaniwala sa mga taong nagpapakalat ng tsismis na walang bisa, hindi ligtas at hindi kailangan ang mga bakuna kontra sa COVID-19.
“Huwag maniwala kay ‘Marites.’ Maniwala tayo sa siyensiya at mga ahensya ng gobyerno at international organizations like the World Health Organization o WHO na nagsasabing mabisang proteksyon ang bakuna laban sa COVID-19,” ayon kay Moreno.
Ang tinutukoy ni Moreno na ‘Marites’ ay yaong mga mga tsismoso at tsismosa. Nabuo ang naturang taguri sa pinaikling pangungusap na ‘Mare, ano ang latest?’
Ginawa ni Moreno ang panawagan sa pagpapatuloy ng mass vaccination program ng pamahalaang lungsod nitong Linggo at sinabing magpapatuloy ang bakunahan hangga't mayroong vaccines.
“Maraming salamat kina Vice Mayor and health cluster head Honey Lacuna, Manila Health Department chief Dr. Poks Pangan, Manila Traffic and Parking Bureau chief Dennis Viaje, Manila Disaster Risk Reduction Management Office head Arnel Angeles and all their personnel for continuing to work even on weekends,” sabi ni Moreno, kasabay nang pagbanggit nito kung paano itinaas ng kanilang mga kawani ang antas ng kanilang paglilingkod sa kabila na marami sa mga ito ang tinamaan ng kasalukuyang surge ng infection.
Sa kabilang banda ay inutos ng alkalde ang pagpapalawak pa nang pagbibigay ngbooster shots para sa two-wheel riders sa Bonifacio Shrine kasunod nang matagumpay na paglulunsad nito nitong Sabado.
Nabatid na may total na 1,000 doses ang inilaan sa kada booster day para sa mga bicycle at motorcycle riders na ginawa mula alas- 8:00 ng umaga hanggangalas-5:00 ng hapon.
Ang mass vaccination naman ng first at second at booster shots ay ginawa din s 12 designated community o health centers at four shopping mallspara sa mga A1 hanggang A5 priority groups.
Humingi naman ng pasensya at pang-unawa si Moreno sa lahat ng mga gustong magpabakuna dahil ang ilan sa mga nagbabakuna ay kailangang i-pull out para magsilbi sa mga city-owned hospitals.
Ipinaliwanag ni Moreno na maraming hospital staff ang na-infect ng virus kaya kailangang magkaroon ng adjustments para magpagsilbihan ang lahat.
“Humihingi ako ng konting pasensiya dahil ‘yung ibang miyembro ng vaccinating teams ay naka-destino ngayon sa mga ospital at quarantine facilities di gaya nung wala pang surge na sila ay ginagamit natin sa vaccination sites.Ang importante, mabakunahan kayo either ng first, second o booster,” dagdag ni Moreno.
Nagpahayag naman ng pagkatuwa ang alkalde dahil sa mahabang pila sa mga vaccination sites na ang ibig sabihin ay maraming tao ang gusto ng proteksyon para sa kanilang sarili, sa kanilang mahal sa buhay at kanilang pamayanan.
Mary Ann Santiago