Isang napapanahong regalo ngayong Pasko ang dumating sa Pilipinas nitong Biyernes, Dis. 24, sa pagdating ng 1,405,710 na dosis ng Pfizer vaccines bilang dagdag na proteksyon para sa mga Pilipino laban sa coronavirus disease (COVID-19).
Lumapag ang eroplanong lulan ang mga bakuna sa Terminal 1 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bandang 3:40 ng madaling araw, ayon sa National Task Force (NTF) Against COVID-19.
Ang paghahatid sa bakuna ay kasunod ng pag-apruba ng Food and Drug Administration (FDA) nitong Huwebes sa emergency use authorization (EUA) ng Pfizer para sa mga batang lima hanggang 11 taong-gulang.
Hinimok ni Vaccine czar Carlito Galvez Jr. ang mga local government unit (LGU) na paghandaan ang pagsisimula ng pagbabakuna sa mga bata na lima hanggang 11 taong-gulang upang sila rin ay maprotektahan laban sa COVID-19 at sa banta ng Omicron variant.
Dahil sa panibagong suplay, nasa 198,822,705 na ang kabuuang dosis ng bakuna sa Pilipinas, sapat na upang mabakunahan ang nasa 54 milyong Pilipino sa pagtatapos ng taon.
Mula nitong Huwebes, 105 milyong dosis na ang naipamahaging bakuna sa bansa kung saan 46.5 milyong Pilipino ang ganap nang bakunado habang nasa 56.82 milyon ang nakatanggap na ng kanilang unang dosis.
Tinatayang 1.34 milyong indibidwal na rin ang nakakuha ng kanilang booster shots.
Martin Sadongdong