Hiniling ni Senatorial aspirant at Sorsogon Governor Francis “Chiz” Escudero nitong Biyernes, Nob. 26 sa Department of Health (DOH) na bigyang linaw ang mga bagong paratang ng medical frontliners na marami sa kanila ang hindi pa nakatatangap ng nararapat na delayed na COVID-19 benefits sa ilalim ng batas.

Mula noong nakaraang taon, ang mga health worker, na nagbigay ng serbisyo nang pumutok ang pandemya, ay dumadaing na hindi nila natatanggap ang kanilang mga allowance sa kabila ng pagkakaron ng pondo at utos ni Pangulong Duterte sa DOH noong Agosto n bayaran ang kanilang mga benepisyo at allowance.

Gayunpaman, isang protesta ng Alliance of Health Workers (AWH), na kinabibilangan ng mga frontliner na nagtatrabaho sa mga government hospitals, ang muling nag-ungkat ng isyu kaugnay ng mga unpaid allowance.

“Kailan kaya mababayaran ng DOH ang mga allowances ng health workers?Nuong isang taon, ito ang hinaing nila; matatapos na ang taong kasalukuyan, ganito pa rin ang hinaing nila,” sabi ni Escudero.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Once and for all, tapusin na dapat ng DOH ang pagkakautang nito sa mga frontliners at bayaran sila ng wasto at sakto. Mas maganda rin na ilatag ng DOH kung magkano na talaga ang naibayad at magkano ang dapat pang bayaran in the spirit of transparency," sabi ng dating senador.

Ayon kay Cristy Donguines, pangulo ng Jose Reyes Memorial Medical Center Employees Union-AHW, na ang mga healthworker sa mga DOH-retained ay nakatanggap lang ng 30% ng kanilang mga allowance sa pagkain, tirahan at trasnportasyon mula Setyembre hanggang Disyembre 2020 habang ang “natitirang 70% ay nakabibin pa rin sa DOH.”

Pareho rin ang sitwasyon ng mga frontliner sa ilang pribado at LGU na mga ospital, sabi ni Donguines sa kabila ng apela noong Agosto.

Sa ilalim ng Republic Act No. 11494 o ang Bayanihan 2 Law, P13.5 bilyon ang inilaan para sa tirahan, libreng pagkain, transportasyon at risk allowance ng mga manggagawa sa pampubliko at pribadong ospital.

Kasama rin sa Bayanihan 2 ang kompensasyon para sa mga frontliner na nagkasakit ng COVID-19 habang gumaganap ng kanilang tungkulin, mula P15,000 para sa mild case, P100,000 para sa severe case, at P1,000,000 para sa pamilya ng nasawing health care worker sa frontline.

“Pasayahin naman natin ang Pasko ng ating mga frontliners bilang pagtanaw ng utang loob sa kanilang mga sakripisyo noon at sa darating pang panahon,” sabi ni Escudero.

“Hindi naman pwedeng puro papogi na lang ang DOH sa harap ng TV at kay PRRD. Sabayan din sana ng DOH ito na tamang serbisyo at pagtugon sa mga pangagailangan ng ating mga health workers na dapat at sapat,” dagdag niya.

Mario Casayuran