Tumindi pa ang bangayan nina Pangulong Rodrigo Duterte at Philippine Red Cross chairman at Senator Richard Gordon.
Nagtataka si Gordon kung bakit patuloy umanong ipinagtatanggol ng Pangulo si Michael Yang, isang bilyonaryo na sentro umano ng gulo ng Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM).
"I'm really sorry for you, Mr. President. Ang pinagtatanggol n’yo si Lao? May utang na loob kayo dahil sa eleksyon? You are a cheap politician, Mr. President. Cheap politician, as cheap as they come, Mr. President," pahayag ni Gordon kay Duterte.
"I prayed for you. You need prayers. I pray forgiveness for you," pagdidiin ni Gordon.
Kaugnay nito, nilinaw ni Gordon na wala siyang planong tumakbo sa pagkabise-presidente sa 2022 national elections matapos siyang atakihin ni Duterte.
Binati rin siya ng mga kasamahan sa Senado na pinangungunahan ni Senate President Vicente Sotto III at Senate Minority Leader Franklin Drilon dahil sa natanggap na kritisismo mula nang simulan ang imbestigasyon ng Senado kaugnay ng kuwestyunableng pagbili ng PS-DBM ng medical supplies na nagkakahalaga ng P42 bilyon.
Pinabulaanan din ni Gordon ang paratang ni Duterte na ginagamit nito ang pagiging chairman ng PRC at ang isinagawang pagsisiyasat ng Senado para sa kanyang ambisyon sa politika.
Ani Gordon, hindi siya gumawa ng kahit anong anunsyo na tatakbo siya sa pagka-bise presidente. Dahil para sa kanya, napagsilbihan na niya ang bansa.
Tinukoy niya mismo ang Presidente na siyang tatakbo sa pagka-bise presidente.
Nakiusap din si Gordon na payagan ang Senado na magpatuloy sa pagsiyasat sa natuklasan nitong "fraud, waste and abuse."
Ayon naman kay Sotto, ginagawa lang umano ni Gordon ang kanyang trabaho bilang pinuno ng Senate Blue Ribbon committee chairman.
Kabilang sa mga senador na bumilib kay Gordon ay sina Senador Franklin Drilon, Senador Kiko Pangilinan, Senador Risa Hontiveros, at Senador Leila de Lima.
Mario Casayuran