Binasag ng komedyanteng si Chad Kinis ang kaniyang katahimikan sa mga taong patuloy na kumukuwestyon sa relasyon nila ng kaniyang boyfriend na si Nikko Alano Chua, na unang naisapubliko noong Hunyo 17, 2021.

Kinakiligan naman ng lahat ang appreciation post ni Nikko noong Agosto 21 sa IG kung saan pinasalamatan niya si Chad dahil kahit abala umano sila sa kani-kanilang mga trabaho, ay nagawa pa nilang makapag-bonding bilang couple.

Chad Kinis at Nikko Alano Chua (Larawan mula sa IG)

Teleserye

Buong produksiyon ng 'Batang Quiapo,' pina-drug test ni Coco

Si Chad ay isang komedyante, vlogger, at miyembro ng sikat na YouTube comedy trio na 'Beks Battalion.' Kaibigan din siya ng sikat na comedian-TV host na si Vice Ganda.

Ang kaniyang boyfriend na si Nikko naman ay isang runway at print ad model, negosyante, at itinanghal na Mr. Mossimo 2018. Masasabing nagmula sa isang maayos na pamilya.

Chad Kinis at Nikko Alano Chua (Screenshot mula sa YT/Ogie Diaz)

Kaya naman sa YouTube channel ni Ogie Diaz, sinagot nila ang ilang mga isyung ipinupukol sa kanilang relasyon, 'with matching holding hands' pa!

Ayon kay Chad, nagkakilala sila sa Instagram. Nang mga panahon na iyon ay tinamaan ng COVID-19 si Chad kaya naghahanap siya ng mga supplements na maaaring makapagpalakas sa kaniyang immune system. Nakita ni Chad ang profile ni Nikko na nagnenegosyo ito ng mga healthy juices at healthy drinks kaya naman nagpadala siya ng direct message dito.

Noong una raw ay talagang 'business transaction' lamang ang dahilan ng kanilang pag-uusap sa Instagram, dahil nga umoorder si Chad kay Nikko. Hanggang sa nangungumusta na raw si Nikko at nag-aya itong kapag bumuti na ang lagay ni Chad, lumabas sila for a dinner (haba ng hair!). Noong mga panahong iyon ay wala namang 'sabit' o jowa si Nikko.

Tinanong ni Ogie si Nikko kung ano nga ba ang nakita niya kay Chad at ito ang napili niyang 'ligawan.' Sa realidad daw kasi, marami ang nagtataas ng kilay kapag ang isang kapareha sa isang relasyon ay masyadong guwapo o maganda.

"Siguro po, ah… dahil lagi kaming nagcha-chat," simpleng tugon ni Nikko. Nang magkita umano sila nang personal ay nakaramdam siya ng kasiyahan. Unang kita pa lamang daw niya kay Chad ay magaan na ang loob niya rito. Nagkasundo umano kaagad sila.

Giit ni Chad, wala na umanong ligawang naganap sa kanilang dalawa ni Nikko. Naniniwala kasi siya na hindi dapat pinapatagal ang ligawan; ang dapat patagalin ay ang relasyon. Nagustuhan niya si Nikko dahil masarap umano itong kausap at kasama, bukod pa sa good looks nito na bonus na lamang umano. Nang sabihin umano sa kaniya ni Nikko na gusto siya nito, hindi na siya 'umartih-artih' pa! Surreal daw ang kaniyang naramdaman at hindi makapaniwala.

Hindi naman umano alintana ni Nikko ang mga pang-aalipustang natatanggap niya mula sa mga kumukuwestyon at nagtataas ng kilay sa relasyon nila ni Chad.

"Hindi ko naman po iniintindi, dedma lang po. Basta ang importante kami po, maayos at masaya po, saka totoo po sa isa't isa," ani Nikko, na nakapagpakilig naman kay Chad at Ogie.

Naipakilala na ni Nikko si Chad sa kaniyang pamilya, at tinanggap naman siya ng mga ito nang walang pag-aalinlangan. Batay sa mga larawan sa social media, mukhang close na close na si Chad sa Mama ni Nikko.

Napag-usapan na rin umano nila ang pagkakaroon ng sariling pamilya o anak. Naibahagi ni Chad na nais niyang magkaroon sila ng tig-isang anak ni Nikko, na matatawag nilang sariling dugo't laman.

May mensahe naman si Chad sa lahat ng mga taong 'naiinggit' sa lovelife niya ngayon.

"Wala namang dapat kaiinggitan. Lahat tayo may oras at may taong darating para mahalin ka. Lahat naman kasi tayo kamahal-mahal. Lahat tayo may karapatang magmahal at may karapatang mahalin. So hindi ka dapat mainggit, innstead, ma-inspire ka… Si Chad nga nagkaroon, so hindi tayo dapat sumuko. May tamang tao na darating para sa atin," pahayag ni Chad.

Dagdag pa niya, "Kung ako nga na hindi naman good-looking , may nagmahal sa akin. Lahat tayo, darating sa punto ng buhay natin na may tatanggap sa atin kung sino at ano tayo…it's a beacon of hope!"

Hindi naman umano maitatanggi ni Chad na nakaramdam din siya ng confusion at pag-aalinlangan sa tunay na pakay o motibo ni Nikko sa pakikipagrelasyon sa kaniya. Subalit aniya, kung patuloy niyang iisipin 'yun, paano niya ma-eenjoy ang love? Paano niya ma-eenjoy ang moment? Maiksi lamang daw ang buhay kaya kailangang i-enjoy na ito, gaya ng pagmamahal.

"I-enjoy ang mga bagay na nagpapasaya sa 'yo, mga nagpapakilig sa 'yo, at may humahawak ng kamay mo at nagsasabing mahal na mahal ka. Huwag mong pagdudahan ang love kasi hindi mo talaga ma-eenjoy 'yan. Ikaw mismo ang gagawa ng ikasasakit ng sarili mo," paliwanag ni Chad.

May pangako naman si Nikko kay Chad.

"Mamahalin ko siya nang totoo, at gusto ko siyang makasama habambuhay," aniya.

Chad Kinis at Nikko Alano Chua (Screenshot mula sa YT/Ogie Diaz)

Chad Kinis at Nikko Alano Chua (Screenshot mula sa YT/Ogie Diaz)

Kaya sabi ng mga netizens, "Ikaw na! Sana all!"