Iniulat ng Department of Health (DOH) nitong Huwebes na ang Special Allotment Release Order (SARO) para sa P311 milyong halaga ng Special Risk Allowance (SRA) ay nai-download na sa kanilang Centers for Health Development (CHDs), at inaasahang mabebenepisyuhan nito ang karagdagang 20,208 healthcare workers sa bansa.

Ayon sa DOH, ang naturang pondo na inilipat sa CHD ay kaagad rin namang ire-release sa kani-kanilang local government units (LGUs) at mga private health facilities sa mga susunod na araw.

Nabatid na ang naturang P311 milyon ay ang unang batch ng fund transfers para sa grant ng SRA sa mga pagamutan at health facilities na nagsumite ng karagdagang listahan ng mga eligible healthcare workers.

Kaugnay nito, tiniyak naman ni DOH Undersecretary Leopoldo Vega na madagdagan pa ang bilang ng mga health workers na makakatanggap ng SRA sa mga susunod na araw.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Naibigay na po ng DBM ang paunang request na P311 million para sa SRA ng 20,208 na healthcare workers. Huwag po kayong mag-alala at madadagdagan pa itong bilang ng mga healthcare workers na makakatanggap ng SRA,” aniya pa.

Sinabi pa ni Vega na, “sapagkat kasalukuyan tayong nakikipag-ugnayan sa iba’t ibang LGU at private hospitals sa pamamagitan ng ating mga CHD, upang makalap ang bilang ng health workers na marapat pang makatanggap ng SRA.”

Dagdag pa ni Vega, nakikiusap rin sila sa mga mga ospital at health facilities na makipagtulungan sa kani-kanilang mga CHD upang makapagsumite ng kanilang mga requirements. “Ang ating Centers for Health Development naman ay handa pong gabayan kayo. Magtulungan po tayo dito.”

Mary Ann Santiago