Maliban sa insentibong itinakda ng batas, makatatanggap ng karagdagang pabuya ang mga coaches ng mga atletang Pinoy na nagsipagwagi ng medalya sa katatapos na Tokyo Olympics.

Ito'y matapos tumugon ang MVP Sports Foundation sa panawagan ni Olympic boxing silver medalist Carlo Paalam.

Nakatakdang magkaloob ang MVPSF ng insentibong pinansiyal sa mga coaches ng apat na mga Filipinong atleta nagwagi sa nakaraang Tokyo Olympics sa pangunguna ng mentors ni gold medal winner Hidilyn Diaz.

Buhat sa kabuuang P40.5 milyon na ini-release ng sports foundation dalawang araw matapos ang Olympics, P11 milyon dito ay ipagkakaloob sa mga coaches ng weightlifting at ng boxing team.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“The coaches also sacrificed as they were away from their families as much as the athlete, so they should also be compensated for their athletes’ success,” ayon kay MVPSF president Al S. Panlilio.

“The MVPSF knows that it takes a village to win a medal in the Olympics. It takes combined efforts from the Philippine Sports Commission (PSC), the Philippine Olympic Committee (POC), and the private sector to help our athletes succeed," dagdag nito.

Matatandaang nagpahayag ang 23-anyos na si Paalam ng kagustuhan nitong mabigyan din ng insentibo ang kanilang mga coaches bukod pa sa isinasaad ng Republic Act 10699 otherwise na kilala rin bilang National Athletes, Coaches, and Trainers Benefits and Incentives Act.

“Sana rin po mapansin 'yung mga coaches po. Hindi po kami gagaling kung hindi po dahil sa kanila. Sana mabigyan din ang mga coaches namin kahit kaunti na reward sa kanila,” ani Paalam.

“Sila din po ang naghirap sa amin. Hindi namin makukuha ito kung hindi dahil sa kanila. Sana po, please lang po, mabigyan din po ang mga coaches namin, kahit kaunti lang po,”pakiusap nito.

Marivic Awitan