Iniulat ng Department of Health (DOH) nitong Biyernes na tumaas ng 13% ang mga kaso ng leptospirosis na naitala nila sa bansa nitong unang anim na buwan ng 2021 kumpara noong nakaraang taon.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nakapagtala sila ng 589 leptospirosis cases mula Enero 1 hanggang Hunyo 19, na mas mataas kumpara sa 520 leptospirosis cases lamang na naitala naman sa kahalintulad na panahon noong 2020.
Tumaas din naman ang case fatality rate mula sa leptospirosis ng 11.4% nitong 2021 mula sa 9.8% lamang noong 2020.
Sinabi ni Vergeire na ang pinakamataas na leptospirosis incidence ay naitala sa Cordillera region na may 1.49 cases per 100,000 population, kasunod ang Region 6 na may 1.34 cases at Region 2 na may 1.33 cases.
Kaugnay nito, hinikayat ng DOH ang publiko na maging maingat laban sa leptospirosis lalo na ngayong ilang araw nang nag-uulan sa iba’t ibang panig ng bansa na nagdudulot ng mga pagbaha.
Mary Ann Santiago