Nagbanta ang dalawang kongresista kay Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag at sa iba pang opisyal na kakasuhan ang mga ito kapag hindi gigibain o tanggalin ang pader na humaharang sa mga residente sa kalsada sa New Bilibid Prison (NBP) reservation.
Idinahilan nina Leyte Rep. Vicente Veloso, chairman ng House committee on justice, at Muntinlupa City Rep. Ruffy Biazon, vice chairman ng House committee on national defense, mahaharap si Bantag at mga kasamahan na opisyal ng BuCor, sa kasong paglabag sa Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) kapag hindi umaksyon sa nasabing usapin.
"Umaapela ako kay BuCor chief Bantag na ayusin ang isyung ito at tanggalin o gibain ang wall," pahayag ni Veloso sa pagdinig ng komite noong nakaraang linggo.
Umaksiyon ang komite ni Veloso dahil sa inihaing House Resolution 1666 ni Biazon na ang road closure dahil sa pader ay isang "nuisance" gaya ng isinasaad ng Civil Code of the Philippines.
Ipinaliwanag ng dalawang mambabatas na ang Insular Prison Road ay itinuturing na pangunahing daanan o main entry at exit point ng may 8,000 pamilya na naninirahan sa Southville 3, isang housing project ng gobyerno sa naturang lugar.
Sa nasabing pagdinig, iniulat naman ni Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi na hindi kumuha sa kanila ng permit ang BuCor para sa paglalagay ng pader kung kaya kalabisan ito sa kanilang awtoridad kung ang layunin ay para lang sa security reasons.
Bert de Guzman