Nasamsam ng mga awtoridad ang tinatayang P3,400,000 halaga ng pinaniniwalaang shabu sa isang umano'y tulak ng iligal na droga sa Las Piñas City, kamakalawa ng hapon.
Nasa kustodiya ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang suspek na kinilalang si Rasul Sandi, nasa hustong gulang, at residente sa nasabing lungsod.
Sa ulat, nagkasa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng PDEA sa pangunguna ni Romeo Matias laban sa suspek sa Marcos Alvarez, Moonwalk Village, Barangay Talon 5, sa Las Piñas City.
Hindi na nagawang pumalag ng suspek nang arestuhin siya ng mga PDEA agent matapos umanong bentahan ni Sandi ng droga ang poseur buyer sa lugar.
Nakumpiska mula sa suspek ang 500 gramo ng pinaghihinalaang shabu,paper bag,ID at ng buy-bust money.
Kasong Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kakaharapin ng suspek.