ni LEANDRO ALBOROTE
Isang matinik na drug pusher na tinaguriang “Machete” ang matagumpay na nalambat ng mga pulis sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Asturias, Tarlac City kamakalawa ng hapon.
Ayon kay Police Master Sergeant Benedick F. Soluta, investigator-on-case, ang naaresto ay si Ernesto Miranda, alyas “Machete”, 48, may-asawa, construction worker, ng nasabing barangay.
Nagkunwang buyer si Police Master Sergeant Mario C. Guinto, Jr. at narekober sa posisyon ni Miranda ang isang transparent plastic sachet na naglalaman ng shabu kapalit ng P500 marked money.
Sa imbestigasyon ni Police Lieutenant Phildiane Fronee Clemeña, aktibo na nagbebenta ng droga ang suspek sa iba't ibang lugar ng Tarlac City hanggang isagawa ng pulisya ang buy-bust operation na naging positibo ang resulta.
Sinaksihan ng mga barangay officials ng Asturias, Tarlac City, local media at kinatawan ng Department of Justice (DOJ) ang mga narekober na ebidensiya na sinusuri ngayon sa Provincial Crime Laboratory Office ng Camp Macabulos, Tarlac City.