Xinhua
NAGPAHAYAG ng matinding pagkabahala si United Nations Secretary-General Antonio Guterres nitong Lunes kaugnay ng tumataas na karahasan laban sa mga Asyano at mga taong may lahing Asyano sa gitna ng nagpapatuloy na COVID-19 pandemic.
Nasaksihan ng mundo ang mga kahindik-hindik na mga pag-atake, verbal at physical harassment, bullying sa mga paaralan, diskriminasyon sa trabaho, panghihimok ng galit sa media at iba’t ibang social media platforms, at masasakit na salita mula mismo sa mga may kapangyarihan, giit ni Farhan Haq, deputy spokesman ni Guterres, sa isang pahayag.
Sa ilang bansa, partikular na tina-target ng pag-atake ang mga kababaihang Asyano, kung saan humahalo ang misogyny sa pakiramdam ng pagkamuhi. Libu-libong insidente ng pag-atake ang naganap na nakalipas na taon sa dekadang kasaysayan ng intolerance, stereotyping, scapegoating, eksploytasyon at pag-aabuso, ayon pa sa pahayag.
Nagpaabot si Guterres ng buong suporta para sa mga biktima at pamilya at nanindigan ng pakikiisa sa mga nahaharap sa racism at iba pang pag-atake sa kanilang karapatang tao.
“This moment of challenge for all must be a time to uphold dignity for all,” saad ng UN chief.
Nito lamang Marso 16, walong katao, kabilang ang anim na Asyano, ang namatay sa tatlong insidente ng pamamaril sa ilang massage parlors sa Atlanta area.
Naganap ang pag-atake sa gitna ng tumataas na karahasan laban sa Asian American community sa gitna ng coronavirus pandemic.